Pagtalakay sa Maharlika Investment Fund Bill, may paglabag sa Senate rules – Sen. Alan Cayetano

by | Feb 3, 2023

Iginiit ni Senator Alan Peter Cayetano na may paglabag sa Senate rules ang pagtalakay ng Mataas na Kapulungan sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Tahasang tinututulan ni Cayetano ang pagkaka-refer sa MIF Bill sa Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies dahil ito ay mas dapat na nai-refer sa kanyang komite na Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprises.

Batay aniya sa rules ng Senado, ang GOCC Committee ang may hurisdiksyon sa lahat ng katanungang makakaapekto sa mga GOCC kasama na rito ang lahat ng amyenda sa charter, interes ng gobyerno sa iba’t ibang industrial, commercial enterprises at privatization.

Sa kanyang masusing pag-aaral sa panukala, ang layunin ng Sovereign Wealth Fund ay magtatag ng isang korporasyon na Maharlika Investment Corporation (MIC) na isang GOCC.

Bukod dito, ang inisyal na kapital at pagpopondo sa MIF ay manggagaling sa mga korporasyon ng gobyerno, ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Land Bank of the Philippines (LBP) na isang GOCC.

Sa mga susunod na kontribusyon ang pondo sa MIF ay kukunin sa Development Bank of the Philippines (DBP), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at iba pang gaming corporations na pag-aari ng gobyerno.

Nababahala si Cayetano na maaari itong makaapekto at magresulta sa isang alanganing sitwasyon kung saan ang lahat ng mga panukala para sa paglikha ng government corporations ay hindi na ire-refer sa nararapat na komite na GOCC Committee.

Latest News