Senado, itataas ang pondo ng DepEd para sa pagha-hire ng mga guidance counselor

by | Feb 2, 2023

Isusulong ng Senado ang pagtataas sa pondo ng Department of Education (DepEd) para sa pag-hire ng mga dagdag na guidance counselors sa mga paaralan.

Kaugnay ito sa pagkaalarma ng Senado sa tumaas na bilang ng mga estudyanteng nagpapatiwakal nitong kasagsagan ng pandemya.

Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na isusulong at susuportahan ng Mataas na Kapulungan ang hakbang na madagdagan ng pondo ang ahensya para matugunan ang kinakailangang guidance counselors na tutulong para mailigtas ang mga kabataan mula sa kanilang nararamdamang kabiguan, galit at kawalan ng pag-asa na minsan ay nauuwi sa pagbawi ng sariling buhay.

Sinabi naman ni Senator Sonny Angara na isusulong nila ang isang panukala kung saan ipasasakop na rin sa PhilHealth packages ang mga therapy sessions at iba pang pangangailangan para sa mental health na layong maibaba ang bilang ng mga kabataang nagpapakamatay.

Samantala, maliban sa mga estudyante ay pinatutugunan din ni Senator Chiz Escudero sa pamahalaan ang mga mental health issues na idinulot ng mga lockdowns at pandemya sa mga manggagawa at sa lahat ng mga taong nangangailangan nito.

Nangyari lamang na ang available na datos na mayroon ay sa mga mag-aaral lang kaya inaatasan ni Escudero ang Department of Health (DOH) na tipunin ang impormasyon tungkol dito nang sa gayon ay makabuo ang Kongreso ng polisiya para masolusyunan ang nasabing problema.

Latest News