Nagsimula nang pumasok ang mga datos kaugnay ng idinaos na voters’ registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Batay sa datos ng Commission on Elections (COMELEC), umaabot na sa mahigit 2.4 milyong botante ang nagparehistro.
Kabilang na rito ang mga nagparehistro sa pamamagitan ng register anywhere program o RAP.
Umaabot naman sa mahigit 1.4 milyon ang mga bagong botante.
Mahigit 560,000 naman ang lumipat mula sa ibang siyudad at munisipalidad habang halos 152,000 ang lumipat ng voting precinct sa iisang lungsod.
Una nang inihayag ni COMELEC Chairman George Garcia na 1.5 milyong mga botante ang target ng poll body pero lumagpas sila ng malaking bilang dahil sa aktibong partisipasyon ng publiko.