Tiniyak ng Marawi Compensation Board (MCB) na mabibigyan ng kompensasyon ang lahat ng mga residenteng nawalan ng tirahan dahil sa nangyaring giyera noon sa Marawi.
Ayon kay MCB Chairperson Atty. Maisara Dandamun-Latiph, bumubuo na sila ng Implementing Rules and Regulations para sa pagsisimula ng pag-claim ng kompensasyon.
Sisikapin naman ng board na maabot ang lahat ng mga Internally Displaced People (IDPs) sa pamamagitan ng massive information drive.
“Magkakaroon po kami ng massive information campaign sa buong Marawi, sa buong Lanao del Sur, outside Lanao del Sur, sa buong Pilipinas po dahil sa ngayon po, nakalabas ang yung ibang mga IDPs, makikita po sila sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. So, ang kailangan po namin, malakas na media, malakas na education campaign [para maipaalam sa kanila] na pwede na silang mag-file ng claim,” paliwanag ni Atty. Dandamun-Latiph, sa panayam ng DZXL.
Siniguro rin ni Atty. Dandamun-Latiph na hindi nila pahihirapan sa pag-claim ng kompensasyon ang mga IDPs.
Aniya, magbibigay sila ng legal assistance na tutulong sa pagfi-fill up ng kanilang form hanggang sa pagfa-file ng kanilang mga dokumento.
“Saksi po ako doon na 2 days lang po, pinag-impake na yung mga tao, pinalabas. Tapos nangyari yung bakbakan after that wala na po yung properties dahil nasunog, nasira. So, mahirap po mag-recover nung mga dokumento,” saad ng MCB chair.
“So, sisimplehan po namin, hindi pahihirapan yung mga mamamayan. Alam po natin gaano kahirap yung pagfa-file ng claim, pag-prove na sila yung may-ari. Kaya magkakaroon po tayo dyan ng mga legal assistance team na tutulong sa kanila sa pag-fill up ng form nila. The moment po na na-file nila, hindi natin sila pababalik-balikin. Tatanggapin agad namin, i-stamp na received para hindi sila abutin ng deadline,” dagdag niya.
Bukod sa kompensasyon para sa nasirang tirahan, kasama rin sa mandato ng MCB ang pagbibigay ng psychosocial support at pagrerekomenda ng livelihood training at magandang edukasyon sa mga kabataan.
Nabatid na mula nang sumiklab ang giyera noong 2017 ay hindi pa rin nakababalik sa kanilang mga tirahan sa ground zero ang mga residenteng naapektuhan ng Marawi siege.