Patuloy ang ginagawang paghahanda ng mga lokal na pamahalaan sa may bahagi ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela City (CAMANAVA) hinggil sa pagpapatupad ng single ticketing system.
Sa inilabas na pahayag ng Caloocan Local Government Unit (LGU), nakalatag na ang kanilang mga plano para sa nasabing sistema kung saan maglalabas sila ng mga ordinansa na may kaugnayan dito.
Para naman masiguro ang pagpapatupad ng single ticketing system sa Caloocan, sinimula na nilang isailalim sa trainings at seminars ang kanilang mga tauhan sa Public Safety and Traffic Management Department.
Habang sa lungsod naman ng Valenzuela ay isinasa-pinal na rin ang ordinansa para sa single ticketing system.
Naniniwala ang Valenzuela LGU na sa pamamagitan ng sistema ay mababawasan ang pagkalito ng mga motorista lalo na sa mga multa na kanilang babayaran.
Giit pa ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela, paraan na rin ito para mas mapabilis ang pagbabayad ng mga motorista sa kanilang traffic violation at maiwasan na rin na magkaroon ng mga penalty.