Register Anywhere Project, naging matagumpay ayon sa COMELEC

by | Feb 2, 2023

Itinuturing ng Commission on Elections (COMELEC) na naging matagumpay ang isinagawa nilang pilot testing ng Register Anywhere Project o RAP.

Ayon kay COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, nakamit ng poll body ang hangarin ng pilot testing ng sistema at IT infrastructure para sa “remote registration” habang nananatiling “fully compliant” sa R.A. 8189 o mas kilala bilang Voter’s Registration Act of 1996.

Sa katunayan, sinabi ni Laudiangco na maraming sektor ang nagbenepisyo sa RAP partikular ang mga non-resident worker, Overseas Filipino Workers o OFWs, seafarers, mga estudyante at mga dayuhan na dito na naninirahan sa bansa.

Bagama’t naging matagumpay ang RAP, sinabi ni Laudiangco na mayroong mga dapat na tutukan at palakasin pa.

Gaya na lamang ng training at pagdadagdag ng bilang ng mga staff; pagpapaigting sa COMELEC IT infrastructure; pagpapatibay sa “cybersecurity;” pagtukoy sa “strategic areas” para sa RAP sites para magkaroon ng nationwide coverage at mas maraming kolaborasyon at parternships sa mga mall sa buong bansa.

Matatandaang sinimulan ng COMELEC ang RAP noong December 17, 2022 at nagtapos nitong January 31, 2023 bilang parte ng paghahanda sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa datos ng COMELEC, halos 9,000 ang natanggap na aplikasyon mula sa RAP sa nabanggit na panahon.

Latest News