Pagtatatag ng mental health office sa lahat ng public universities at colleges, isinusulong ng Senado

by | Feb 2, 2023

Isinusulong ni Health Committee Chairman Senator Christopher “Bong” Go ang pagtatatag ng Mental Health Office sa lahat ng public Higher Education Institutions (HEIs).

Layunin ng inihain na Senate Bill no. 1786 na palakasin ang mental health services sa public universities at colleges kasunod na rin ng napaulat na pagtaas sa bilang ng mga mag-aaral na nagpapatiwakal nitong pandemya.

Sa Senate Bill no. 1786 na inihain ni Go, binibigyang mandato ang public HEIs na palakasin ang kanilang mental health services sa pamamagitan ng pagtatatag ng mental health offices sa bawat campus.

Kaakibat din sa panukala ang hiring, deployment, at training ng mga dagdag na HEI-based mental health service personnel.

Ang bawat mental health office ay dapat may naka-set up na campus hotlines at nakaantabay na dedicated at trained guidance counselor na magbibigay ng agarang assistance sa buong school community partikular na sa mga mag-aaral na mangangailangan ng tulong.

Ang Commission on Higher Education (CHED) katuwang ang mental health offices at student government ay magpapasimula ng pinaigting na kampanya para maitaas ang kamalayan sa pangangalaga sa mental health.

Binigyang diin ni Go na tulad sa ibang health concerns ay napakahalaga rin na matugunan ang mga isyu at usapin sa mental health at hindi ito dapat na mapabayaan.

Latest News