Pagpapatupad ng batas at mga programa para sa pangangalaga ng mental health, ipinanawagan ng mga senador

by | Feb 2, 2023

Pinakikilos ng mga senador ang pamahalaan na ipatupad na ang batas at mga programa para sa pangangalaga ng mental health sa bansa.

Ang suhestyon ng mga senador ay kasunod na rin ng ibinunyag ng Department of Education (DepEd) na 404 na mga mag-aaral ang nag-suicide mula 2021 hanggang 2022 at ang malaking kakulangan sa mga guidance counselors sa mga paaralan.

Ayon kay Senator Risa Hontiveros, dahil sa mental health crisis na ito sa hanay ng mga estudyante, dapat na maging maagap na ang DepEd at Department of Health (DOH) sa pagpapatupad ng Mental Health Law.

Mula aniya na maisabatas ito noong 2018 ay nananawagan na sila sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na bilisan ang integration ng mental health care services sa ating educational systems at institutions.

Umapela naman si Senator Grace Poe na alisin na ang stigma kaugnay sa mga mental health issues at magkaroon ng holistic response sa pagresolba ng problema.

Pinatutukan ng senadora sa mga paaralan ang ‘mental resilience’ ng mga mag-aaral ngayong bumabalik na sa klase ang lahat matapos ang pandemya.

Partikular din niyang pina-de-develop at pinalalakas ang sariling programa ng mga educational institution tulad ng pagbibigay ng regular na counselling sa mga estudyante pati na rin sa mga guro at non-teaching personnel.

Latest News