Pinangalanan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga indibidwal na bubuo sa 5-man advisory group na sasala sa courtesy resignation ng matataas na opisyal ng Philippine National Police.
Kinabibilangan ito nina Baguio City Mayor Benjamin Magalong; PNP Chief Rodolfo Azurin Jr; dating Defense Secretary Gilbert Teodoro at retired General Isagani Nerez.
Habang ang isa pa ay ayaw ipasabi ang kanyang pangalanan.
Nilinaw naman ni DILG Secretary Benjur Abalos Jr. na walang sahod o allowance ang magsisilbi sa naturang advisory council.
“I would like to reiterate that this is just an advisory group. They’ve got no salary, nothing at all, no allowance, nothing. They’re doing this voluntarily. They’re just advising,” ani Abalos sa press briefing sa Malacañang.
Tiniyak din ng kalihim na dadaan sa masusing evaluation ang mga courtesy resignation.
“They will go through the records one-by-one. At pagkatapos, kung may makuhang tatanggapin ang resignation, ito ngayon ay ibibigay sa National Police Commission o NAPOLCOM. From then on, ang NAPOLCOM naman ang iisa-isang ire-review ulit ang mga pangalang tinanggap ang resignation,” paliwanag ng kalihim.
“I am definite that this advisory group shall remain apolitical throughout the process of screening and in the end penalize only those guilty and involved in illegal drug trade,” dagdag niya.
Sa kabuuang 955 na mga general at full colonels, 12 ang hindi nagsumite ng courtesy resignation.
Pero kung tutuusin, isa na lang ang hindi pa nagre-resign dahil sa 12, lima ang nag-retiro na habang ang anim ay magreretiro na rin.
Matatandaang nanawagan ang DILG sa mga heneral at koronel sa PNP na magsumite ng kanilang courtesy resignation bilang bahagi ng paglilinis ng kanilang hanay mula sa mga pulis na posibleng sangkot sa iligal na droga.