WATCH: 9-anyos na babae, binigyan ng ‘air hug’ ang nanay na frontliner

8481

DAVAO CITY – Kumurot sa puso ng mga netizen ang video tungkol sa isang batang babae na binigyan ng pagkain at “air hug” ang kaniyang nanay na pulis na patuloy sa pagseserbisyo sa gitna ng banta coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Makikita sa video ni Theresa Ugto na hinihintay ni Perszi Nestoso ang pagdaan ng inang si Patrolwoman Josephil Nestoso sa labas ng kanilang gate.

Nang dumating si Josephil na nakasakay sa PNP Patrol car, sinenyasan niya ang anak na ilapag sa labas ng kanilang gate ang pabaong prutas at biskwit.

Ilang sandali lamang, lumapit na ang madre de pamilya upang kuhanin ang pagkain.

Dahil sa uri ng trabaho ni Josephil, umisip ng paraan ang mag-ina para maiparamdam sa isa’t-isa ang pagmamahal kahit walang physical contact.




Kaya naman bago ulit ito rumonda sa lugar, nag-air hug sila ng munting supling.

Please keep safe my dear sister OneGoodReason , I am always here for you and for Jahzara Perszi Nestoso. I love you and God bless you 🙏😔

Posted by Theresa Nestoso Ugto on Monday, March 30, 2020

“Please keep safe my dear sister OneGoodReason, I am always here for you and for Jahzara Perszi Nestoso. I love you and God bless you,” sabi ni Theresa sa kaniyang Facebook post.

Kuwento ng uploader, hindi niya mapigilan maging emosyonal habang kinukuhanan ang nakaaantig na tagpo.

“Makikita mo yung pagmamahalan ng dalawa na mag-ina, kasi sila lang dalawa. Single mom kasi yung kapatid ko,” aniya sa isang panayam ng local news station.

Sa ngayon, umani ng mahigit 2 million views sa social media at libu-libong pagbati para sa mag-ina ang kuhang video ni Theresa.

(VIDEO COURTESY OF THERESA UGTO)