VIRAL: Netizen inirereklamo ang “pekeng” itlog na nabili

1770
Screenshot via Facebook/Ritz Egegamao

Kamakailan, naging usap-usapan sa social media ang reklamo ng dalawang residente mula sa Cainta, Rizal tungkol umano sa pekeng itlog na kanilang nabili.

Ayon sa uploader na si Ritz Egegamao, hindi umano nababasag o napipisa ang pula ng itlog kahit kurut-kurutin o pisi-pisilin.

Dagdag pa niya, bilog na bilog at nakahiwalay raw ang pula ng kahin-kahinahalang itlog.

INNITY ADS

“Kapag ito ganun pa rin, pakikalat na lang. Oh wala! Ganun pa rin!,” sambit ni Egegamao  bago ito iluto.

“Pagkaprito ko, natanggal agad yung yellow nyan. O tingnan mo? Peke! Peke!” giit pa ng netizen.




Pahayag ng nagrereklamo, itinuturing niya itong peke dahil ngayon lang siya nakapansin ng ganoong klaseng itlog.

Ngunit depensa ng Department of Agriculture at Philippine Egg Board, fake news ang alegasyon na kumakalat ngayon sa internet.

Sa panayam ng programang 24 Oras kay Engr. Arnel de Mesa, regional executive director ng DA-Calabarzon, puwede itong suriin sa kanilang laboratoryo para maberipika kung anong taglay na composition ng umano’y pekeng itlog.

Normal lang rin umano na tumigas ang pula ng itlog kapag galing sa refrigerator.

Paglilinaw ni Gregorio San Diego Jr, chairman ng Philippine Egg Board, may mga palatandaan kung bago pa ang ibinebentang itlog sa merkado.

“Yung fresh egg, matambok yung kanyang yolk. Yung malapit nang masira ang itlog, flat yung yolk. O kaya yung iba, parang basag na yung yolk,” ani San Diego.

Ang ilang netizens, sumang-ayon sa pahayag ng mga eksperto.

Screenshot via Facebook/Ritz Egegamao comment section