VIRAL: Lalaki, ‘ibinato’ ang TV dahil wala na raw ABS-CBN

38477

Dahil dismayado sa tigil-operasyon ng ABS-CBN, “hinagis” ng isang lalaki sa Capiz ang kanilang telebisyon sa labas mismo ng bahay.

Umani ng halos 500,000 views sa social media ang video na inupload ni Mira Escalada Ledesma nitong Miyerkoles.

Sa video, makikita ang lalaki na kinilalang si Patricio Escalada Jr. na papalabas ng tahanan habang bitbit ang isang flat screen TV.

INNITY ADS

Mapapanood din ang isang babae na tila pinipigilan ang “masamang plano” ni Escalada.

Makalipas ang ilang segundo, “ibinato” na ng lalaki ang telebisyon na ikinagulat ng isang matandang babae.




Sa ulat ng ABS-CBN News, sinabi ng uploader na nalulungkot sila sa sinapit ng kanilang paboritong istasyon.

Hindi naman daw inaasahan ni Ledesma na magiging viral sa social media ang reaksyon ng kapatid niya.

“Nagawa” lamang daw nila ‘yon para ilabas ang sama ng loob sa pagkawala ng Kapamilya network sa himpapawid.

Martes ng gabi nang huminto sa pag-ere ang ABS-CBN, alinsunod sa inilabas na cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC).

Napaso ang license to operate ng himpilan noong Lunes, at hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin sa Kongreso ang 12 panukalang magpapalawig sana sa legislative franchise nito.

Sa ilalim ng Republic Act 3846 o Radio Control Law, walang tao, kompanya, o asosayon na puwedeng magkabit, magtatag, magtayo o mag-operate ng radio transmitting o receiving station para sa commercial purposes na walang prangkisa mula sa Mababang Kapulungan.