Estudyanteng pumasok nang nakayapak, niregaluhan pa ang guro

2420
Courtesy Ryan James Dueñas
Kumurot sa puso ng mga netizen ang post ng isang guro mula Glan, Sarangani tungkol sa estudyanteng nagpasalamat sa kaniya.
Kuwento ni Teacher Ryan James Dueñas, pumukaw sa atensiyon niya ang batang si Manuel makaraang pumasok sa paaralan na walang suot na sapatos.
Dumating raw ang musmos sa silid-aralan matapos ang 30-minute reading intervention activity nito sa klase.
Sa kalagitnaan ng pagtuturo, napansin ng titser na may hinahanap sa bag ang paslit at tila hindi mapakali sa isang gilid.
Nang lapitan at makausap niya si Manuel, binigyan ng mag-aaral ang isang piling ng saging bilang pasasalamat sa pagiging ulirang guro ni Dueñas.
Labis ang tuwa ng guro sa kabutihang loob na ipinakita ng bata at magulang nito na nagawang magbigay ng regalo kahit hirap sa buhay.
Mabilis naman nag-viral sa social media ang kuwento ng guro, dahilan para umabot ito ng mahigit 100,000 positive reactions online.