VIRAL: Bata, nakayakap sa alagang aso habang natutulog sa kalsada

2719
Image from Jem Villomo

Viral ngayon sa social media ang retrato ng isang batang natutulog sa kalye habang nakayakap sa alagang aso.

Umani ng mahigit 5,000 shares at likes sa Facebook ang larawang ibinahagi ni Jem Villomo na makikita ang nakaantig at nakalulunos na sitwasyon ng mag-amo.

Itinag ng uploader ang programang “Kapuso Mo, Jessica Soho” sa pagbabakasakaling matulungan ang dalawa.

INNITY ADS

Nakunan niya umano ang dalawa habang naglalakad pauwi noong Huwebes ng gabi sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City.

Bumuhos naman ng papuri at pagkadismaya sa comment section ni Villamo. Tanong ng karamihan, nasaan ang magulang ng kaawa-awang paslit.




Payo naman ng ibang socmed users, huwag ihiwalay ang alagang hayop sa musmos para hindi makaranas ng “galit sa mundo”.

Pero maging ang uploader, hindi nakaligtas sa mata ng netizens. Ayon sa kanila, dapat tulungan muna ang bata bago i-post ang larawan sa Facebook.

Inaalam na ngayon ang pagkakakilanlan ng mag-among nasa viral photo.