VIRAL: 73-anyos na ama, todo-suporta sa anak na PWD na kumuha ng LET

1422
Courtesy Sheila Mae Glor

Ipinadama ng isang ama mula sa Atimonan, Quezon ang kaniyang wagas na pagmamahal sa kaniyang anak na may kapansanan na kukuha ng licensure examination for teachers (LET) noong Linggo.

Sa pamamagitan ng Facebook, ikinuwento ni Sheila Mae Glor ang hindi malilimutang karanasan matapos niyang masaksihan ang natatanging suporta ni Pedro “Pepe” Garin, 73-anyos, sa anak nitong PWD si Edwin Garin, 49-anyos.

Ayon kay Glor, mahigit 12 oras hinihintay ni Tatay Pepe ang naka-wheelchair na supling, na nakasabay ng netizen sa naturang eksaminasyon.

INNITY ADS

“Pagkatapos ng unang subject, nakita ko na siya na nasa tapat ng classroom. Nakaupo at naghihintay. Nginingitian niya ang bawat dumadaan. Sa isip ko, napaka-supportive naman ni tatay,” pahayag ni Glor.

Nang matapos sa pagsusulit, nakipag-kuwentuhan siya sandali kay Tatay Pepe at masayang sinabi ng lalaki na nag-eexam sa loob ang pinakamamahal na anak.




Nabatid umano nito na hatid-sundo niya si Edwin mula pa noong unang taon niya sa kolehiyo.

“Gusto kong maiyak. Dama ko ‘yong sakripisyo ni tatay at ng lahat ng mga magulang para sa mga anak nila. ‘Yong kaya nilang gawin ang lahat nang walang pagkapagod o pagkainip,” sambit ng uploader.

Umulan naman ng papuri at paghanga sa comment section ni Glor.

Sa ngayon, umabot na sa mahigit 111,000 likes at 35,000 shares ang istorya ni Tatay Pepe.