TINGNAN: ‘Spiderman’, namigay ng relief goods sa mga ka-barangay

561

Isang good samaritan mula sa Victoria, Tarlac ang nagpasaya sa kaniyang mga ka-barangay matapos mamahagi ng relief goods habang naka-suot ng Spiderman na costume.

Kinilala ang “superhero” ng Barangay Sta. Lucia na si Estefred Cordero Jr., 31-anyos, isang professional photographer.

Ginawa raw ito ni Cordero dahil sa kagustuhang makatulong sa kapwa at makapaghatid na rin ng good vibes sa gitna ng krisis na kinakaharap ngayon ng bansa.

INNITY ADS

Ang kada food pack na ipinamigay niya ay may lamang hotdog, itlog, gulay, at noodles.

Bagama’t limitado ang nakatanggap ng ayuda, sinabi ng binata na susubukan nila ulit mamahagi ng pagkain sa mga susunod na linggo.




Minabuti ni Cordero na ipost sa Facebook ang nakatutuwang insidente para magsilbing inspirasyon sa nakararami.

Ikinatuwa ng mga netizen ang pagmamalasakit ni “Spiderman” na umani ng mahigit 1,500 reactions and shares sa social media.

Sa ilalim ng enhanced community quarantine, tigil-operasyon ang maraming trabaho at mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas ng bahay maliban na lamang kung frontliner ito o bibili ng pagkain o gamot.

(PHOTO COURTESY OF ESTEFRED CORDERO JR.)