TINGNAN: 12-anyos na bata, ‘nagpisonet’ upang makapag-enroll online

1058

Kumurot sa puso ng maraming netizen ang post tungkol sa 12-anyos na lalaki na sinasagutan ang online enrollment form sa isang pisonet shop sa Barangay 178, Camarin, Caloocan City, Martes ng gabi.

Ibinahagi ni Peter Salire De Guzman ang litrato ni Jhonel Agner sa Facebook na umani ng mahigit 100,000 reactions at 88,000 shares sa loob ng 24 oras.

Kuwento ng uploader, sisitahin niya sana ang bata na inakala niyang naglalaro lamang sa computer dahil malapit na itong abutan ng curfew.

INNITY ADS

Pero laking gulat niya nang makita sa monitor ang form ng Department of Education (DepEd) na abalang finifill-up ni Jhonel.

Mag-isa lamang daw nag-e-enroll ang paslit na aniya ay nahihirapan sumagot sa dokumento.




“Malapit na maubos yung time kaya binigyan ko ng 5 pesos. At tinulungan ko na mag fill up. Kasi anytime dadaan na yung mga barangay tanod for curfew,” pagpapatuloy ng concerned citizen/

Batay sa sagot ni Jhonel, “no budget for internet and data allowance; no mobile phone, personal computer or tablet; parents are at home with no work due to quarantine,” ang kasalukuyan niyang sitwasyon sa nalalapit na pagbubukas ng remote distance learning.

Sa isang ulat, sinabi ng incoming Grade 7 student na madalas siyang walang kasama dahil hiwalay ang magulang niya at wala rin kapatid.

Matagal na raw silang hindi nagkikita ng ina at rumaraket naman bilang construction worker ang padre de pamilya para may panggastos sa pang araw-araw.

Ayon pa kay Jhonel, nalaman niya sa mga kaklase na malapit na matapos ang online enrollment kaya nagmadali siyang makapagsumite ng requirements.

Handa rin umano siya magtiis sa pisonet shop upang makadalo sa klase at mag-aaral din siya gamit ang mga libro.

May plano naman si De Guzman na maglagay ng Free WiFi Hotspot sa kanilang upang matulungan ang mga estudyanteng kagaya ni Jhonel at humihingi rin sya ng tulong sa puwedeng mag-donate ng lumang cellphone, computer, o tablet.

Kanselado ngayon ang “face to face learning” bunsod ng pandemya, dahilan upang ipatupad ng DepEd ang remote enrollment na isinagasawa sa pamamamagitan ng internet o paghuhulog sa dropbox.

(PHOTO COURTESY PETER SALIRE DE GUZMAN)