Social distancing sa pamimigay ng relief goods, ipinatupad ng Pandi LGU

745

PANDI, BULACAN – Umani ng papuri sa social media ang diskarte ng lokal na gobyerno sa pamamahagi ng relief goods sa mga apektado ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Sa viral photo, may nakapuwesto na upuan sa labas ng bawat bahay kung saan ipinapatong ng mga kawani ang food pack na nakabalot sa isang plastic bag.

Iniutos mismo ni Mayor Rico Roque ang paglalagay ng silya para mapanatili ang social distancing sa lugar.

Hindi disiplinado ang Pandieño?Dahil sa banta ng Covid19 nagisip kami ng paraan kung paano mapapatupad ng maayos ang…

Posted by Mayor Rico Roque on Saturday, March 21, 2020

Ayon sa alkalde, ito raw ang naisip nilang paraan upang hindi masaalang-alang ang kalusugan ng publiko.

Bago magsimula ang pamimigay ng ayuda, sasabihin ng isang tauhan mula sa lokal na pamahalaan na huwag nang lumabas ang mga residente sa kani-kanilang tahanan dahil ipapatong nila ang food pack sa upuan.

Labis naman ang pasasalamat ng alkalde sa kooperasyon at disiplina ng kaniyang mga kababayan.

Napa-sana all naman ang mga netizen sa istilo ng relief distribution dahilan para umabot ito sa mahigit 100,000 reactions sa Facebook.

(COURTESY MAYOR RICO ROQUE)