Sa halip na tiket, multa: Pulis, inabutan ng $100 ang nasitang delivery boy

5308

Pinusuan ng netizens ang karanasan ng isang food delivery boy mula sa kamay ng isang nanitang pulis.

Imbis kasi na pagmultahin o tiketan, pangaral at perang nagkakahalagang $100 ang ibinigay ng operatibang si Jon Nacino sa binatang si Joshua Read.

Kuwento ni Read, naganap ang ‘di malilimutang insidente nang maharang siya sa quarantine control checkpoint ng España Boulevard noong Sabado, Mayo 16.

INNITY ADS

“Habang nakapila po ‘yung mga motorcycle riders sa checkpoint eh may nakita po akong isang rider na sa kabilang lane dumaan kaya napasunod po ako, nasita po ako ng pulis na tingin ay sumisingit ako,” saad ng uploader.

Kahit nakatikim ng sermon, pilit ipinaliwanag ng binata na hindi niya intensiyon ang nagawang pagkakamali.




Ipinaalam din ni Read kay Nacino na isa siyang college student at rumaraket bilang GrabFood/Express delivery boy upang makapagtapos ng pag-aaral.

Hinanapan din siya ng identification card ng kinauukulan pero ang on-the-job training ID sa paliparan ang tanging naipresenta nito.

Tila hindi pa natapos ang kalbaryo ni Read matapos siyang tanungin ni Nacino kung bakit may pambayad siya ng motorsiklo subalit walang pantubos sa lisensya.

Paliwanag naman ng delivery boy, kumuha siya ng motor upang mapabilis ang biyahe mula Maynila hanggang Pasay City at ginamit niya rin ito na pang-deliver sa dating pinagtratrabahuan na pizza parlor.

“Pagsabi ko noon naiyak ako, bago kasi mangyari yun eh medyo ‘di naging maganda araw ko sa mga na-experience ko kanina sa mga deliver ko. Kaya masama talaga loob ko buong araw,” sambit pa ni Read.

Nang malaman ng awtoridad ang pinagdaanan ng mag-aaral, agad siyang nag-abot ng $100 at sinabing magtapos ito sa pag-aaral.

Labis naman ang pasasalamat ng estudyante kay Nacino at nangakong tutuparin ang kahilingan sa kaniya ng pulis.

“Alam ko na naging pabaya ko sa pag-aaral ko noon kaya may mga dapat akong balikan, pero pinapangako ko sayo yan lalo na sa magulang ko makakapagtapos din ako!”

Sa ngayon ay umabot na sa 200,000 reactions ang nakaaantig na tagpo.