Pulis na tumulong sa manganganak na ginang sa loob ng tricycle, umani ng papuri

13240
(Photo: Dhen Lladones Facebook)

Hinangaan ng netizens ang isang pulis mula Sorsogon City matapos nitong tulungan ang isang babaeng napaanak sa loob ng tricycle.

Sa Facebook post, ibinahagi ni Dhen Lladones, kapatid ni Police Staff Sgt. Godwhin Lladones ang ilang larawan na may kasama pang video kung saan makikitang tila abala sa pagtulong si Godwhin sa pagpapaanak sa babae.

Posted by Dhen Senodall on Sunday, November 24, 2019

Sa salaysay ni Godwhin, nitong Lunes ay bigla na lamang daw tumigil sa harap ng kanilang istasyon ang naturang tricycle kung saan nasa loob ang ginang na si Jocelyn Bandola.

Hindi na raw kasi aabot sa ospital ang babae dahil ilang kilometro pa ang layo nito ayon sa driver ng sasakyan.

Kahit kagagaling lang ng flag ceremony ay hindi nag atubiling tumulong si Godwhin lalo pa’t siya ay isa rin umanong Registered nurse.

Samantala, ligtas namang naipanganak ang sanggol na agad idinala sa ospital matapos magsilang si Jocelyn.

Umani ng papuri si Godwhin online kung saan libu-libo ang nagbigay ng reaksyon at nag-share ng naturang post.

Marami rin ang sumaludo sa pulis online.