fbpx
Tuesday, January 19, 2021

Pulis na nag-abot ng $100 sa sinitang delivery boy, biniyayaan ng P100k

1825
Courtesy Joshua Basa

Nakatanggap ng biyaya mula sa anonymous donor ang viral na pulis na nagbigay ng $100 sa nasitang food delivery boy noong Mayo 16.

Base sa isang ulat, ipinatawag muna ni Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) chief Police Major Ronald Santiago ang kawaning si Police Corporal Jonjon Nacino upang kausapin tungkol sa kunwaring reklamo dito.

Wala naman ideya ang good samaritan, na nasa trabaho noon, hinggil sa sinasabing sumbong ni Santiago.

INNITY ADS

Nang makarating sa opisina, agad siyang tinanong ng hepe kung may nagawa itong mali habang naka-destino sa quarantine control checkpoint. Ilang sandali pa, ibinigay na ng opisyal kay Nacino ang isang puting sobre.

Laking gulat ng pulis na may laman itong P100,000.




Ayon kay Santiago, labis daw humanga ang hindi nagpakilalang donor sa pagiging maunawain at mapagmalasakit ni Nacino sa working student na si Joshua Basa.

Todo-pasasalamat naman ang pulis sa nagkaloob ng biyaya, na aniya malaking tulong sa gastusin ng manganganak na misis.

(BASAHIN: Sa halip na tiket, multa: Pulis, inabutan ng $100 ang nasitang delivery boy)

Magugunitang hinangaan si Nacino ng mga netizen, dahil imbis na tiketan ang rumaraket na si Basa, inabutan niya ito ng $100 para pandagdag sa kaniyang pag-aaral.

Nabatid ng food delivery boy na hinarang siya sa checkpoint sa Maynila matapos lumipat ng linya at mapagkamalang sumisingit sa pila.