PANOORIN: Sangkaterbang kambing, dumagsa sa isang residential area sa California sa gitna ng quarantine

1923
Screenshot from Zach Roeland's Twitter video

Binulabog ng nasa 200 na kambing ang isang tahimik na kabahayan sa Northern California, sa gitna ng umiiral na quarantine noong Martes.

Ibinahagi sa Twitter ng residenteng si Zach Roelands ang video ng mga kambing na nadatnan niyang rumarampa sa kanilang kalsada, habang ang iba rito ay sumasabit pa sa mga bakuran.

“This is the craziest thing to happen all quarantine,” sabi ni Roelands sa post.

INNITY ADS

Kuwento ng residente sa USA Today, sadya raw na taun-taon ay dinadala ang mga kambing sa burol malapit sa kanilang lugar para ipakain ang mga damo na karaniwang sanhi ng sunog.

Binabakuran naman daw ang mga hayop, ngunit sa pagkakataong iyon ay nakatalon at naitumba nila ang harang, dahilan para makagala sa kabahayan.




Ilang minuto lang bago tuluyang malipon ang mga kambing na wala namang iniwang malubhang pinsala, maliban sa mga halaman na hindi nila napigilang lantakan.