PANOORIN: Pulisya kumanta, sumayaw sa kalsada para sa mga residente sa gitna ng COVID-19 lockdown

1886
Twitter/@adamarch83

Isang grupo ng mga pulis ang naghandog ng kanta at sayaw para sa mga residenteng nananatili sa loob ng bahay dahil sa umiiral na COVID-19 lockdown sa Spain.

Nag-viral ang video ng naturang special performance na ibinahagi ng isang netizen sa Twitter sa parehong araw, Marso 22.

Sa video, makikitang pumuwesto ang awtoridad sa kalsadang napagigitnaan ng mga kabahayan.

Isang lalaking pulis ang sumigaw ng “We’ve come to sing!” sa Spanish, bago magsimula ang grupo sa pag-awit ng “Joan Petit”, pambatang kanta na katumbas ng “Head, Shoulders, Knees and Toes”, ayon sa The Independent.

Sinaliwan pa ng gitara ng isang opisyal ang kanilang pagkanta, habang pumapalakpak at sumasayaw ang mga kasamahan.




 

Base sa ulat ng The Independent, nagpatuloy ang ganitong aktibidad ng pulisya sa iba pang kalapit na lugar sa buong araw.

Nakapailalim sa lockdown ang Spain simula noong Marso 14 kaugnay ng paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa na ngayon ay umabot na sa 28,000 — 1,720 rito ang pumanaw na.