PANOORIN: Mga pulis, sinurpresa ang pedicab driver sa pamamagitan ng kunwaring police operation

9059
(DjRed Gonzales Pacs Facebook)

Viral online ang kakaibang operasyon ng mga pulis sa isang pedicab driver para bigyan ng surpresa ngayong kapaskuhan.

Sa ibinahaging video ni DjRed Gonzales Pacs noong Disyembre 9, mapapanood ang naturang driver sakay ng kanyang pedicab nang biglang maglapitan ang ilang pulis.

Makikita na tila kinakabahan ang lalaki nang bigla siyang kumprontahin ng isa sa mga pulis at pinahinto habang binabaybay niya ang kahabaan ng kalsada.

INNITY ADS

Bagaman hindi maintindihan ang nangyayari o kung ano ang ginawang violation ay mapapanood na todo paliwanag naman ang lalaki.

“Hindi ba alam mong bawal bakit nandito ka pa sa labas. Tanungin kita ngayon, anong sini-celebrate sa December 25?” tanong ng isang officer.




Sa kalagitnaan ng tanungan ay biglang lumabas ang isang pulis na may dalang gitara saka  kumanta sa harap ng driver.

Makikitang napatawa at tila napabuntung-hininga ang lalaki nang sabihin sa kanyang naparoon ang mga pulis para kantahan siya ngayong kapaskuhan.

Nang matapos mangaroling ay inabutan ng mga pulis ng munting regalo ang naturang driver at matutunghayang labis ang pasasalamat niya sa mga ito.

Umani ng samu’t saring reaksyon ang video at marami ang humanga sa ginawa ng mga pulis.

Kasalukuyang nasa 94K likes na at 62K shares na rin ito sa Facebook.