PANOORIN: Marcelito Pomoy, 3rd runner-up sa America’s Got Talent: The Champions

44682
(Sreenshot of the video from YouTube)

Nasungkit ng Kapamilya singer Marcelito Pomoy ang ikaapat na pwesto sa America’s Got Talent: The Champions grand finale.

Lunes ng gabi, Pebrero 17(USA time), nang ianunsyo ng show ang mga nagwagi sa naturang kompetisyon na agad naging usap-usapan sa social media.

“The act finishing in fourth place and leaving the competition is Marcelito Pomoy,” ani Terry Crews, ang host ng naturang show.

INNITY ADS

Sa video na ibinahagi ng America’s Got Talent sa kanilang Twitter account, makikita ang apat na natira sa grand finale kabilang na ang Duo Transcend at V Unbeatable na siyang itinanghal na grand winner ng AGT.

Samantala, sa kabila ng pagkabigo para makuha ang kampeonato, malaki pa rin ang pasasalamat ni Marcelito gayundin ng kanyang asawa sa naging suporta ng madla partikular na ang mga superfans.




“We just wanted to say thank you, thank you so much for everybody. This is a big big opportunity for him. That’s all, thank you so much,” ani asawa ni Marcelito.

Nang tanungin naman ang isa sa mga hurado, Heidi Klum na una nang umamin na paborito niya ang singer sa lahat ng performers ng show, isa lang ang iniwan niyang mensahe kay Marcelito.

“Marcelito, I love you so much. You have the most beautiful voice—well I should actually say the most beautiful voices—inside of you,” saad nito.

Dagdag niya, “You are a champion and thank you so much for sharing your talent with all of us.”

Samantala, nakuha naman ng batang si Tyler Butler Figueroa ang ikatlong pwesto habang ang Duo Transcend naman ang itinanghal na 1st runner-up ng show.

Maalalang muling pinahanga ni Marcelito ang mga hurado maging ang superfans sa kanyang huling performance sa awiting “Beauty and the Beast” ni Celine Dion at Peabo Bryson.

Siya rin ang nakakuha ng pinakamataas na boto na may 51% mula sa mga fans.

Una nang nakapasok ang singer sa semifinals ng show nang pabilibin niya ang mga hurado sa kanyang winning song na “The Prayer” na sinundan ng pag-awit ng “Con Te Partiro”.

Bago sumali sa AGT, itinanghal na grand winner si Marcelito sa Pilipinas Got Talent Season 2 noong 2011.