‘Online selling’ ng kabaong para sa mga matitigas ang ulo, patok online

797

Samu’t-saring paraan ang ginagawa ng mga netizen para kumbinsihin ang taumbayan na manatili sa kanilang tahanan sa gitna ng paglaganap ng nakahahawang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kabilang na rito ang isang negosyante mula Porac, Pampanga na nag-aalok ng kabaong para sa mga kababayang mahilig pa rin tumambay sa labas o gumala.

Umani ng mahigit 3 million views sa Facebook ang “online selling” ni Kerovine Castro kung saan makikita ang iba’t-ibang klaseng ataul na maaring pagpilian ng mga pasaway na kababayan.

“Eto na murang packages pa-mine lang po. Para sa matitigas ang ulo na gusto lumabas at maglibot… pili muna kayo. After 14 days kukunin ko na kayo,” sabi ni Castro sa Facebook post.

Mabibili raw ang mga kabaong sa halagang P10,000 pataas depende sa hitsura o saan ito gawa.




Biro pa ng uploader, puwede nang magpareserba ang mga patuloy na sumusuway sa panuntunan ng pamahalaan.

Eto na mga kababayan murang packages pa mine lang po..Para sa matitigas ang ulo na gusto lumabas at mag libot pili muna kayo after 14days kukunin kona kayo😂😂😂#triplekfuneralservices

Posted by Kerovine Castro on Saturday, March 21, 2020

Bagaman katuwaan lamang ang ginawang online selling, sana raw ay magsilbi itong babala lalo na at lumolobo ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Sa lalawigan ng Pampanga, tatlong katao ang tinamaan ng virus kung saan dalawa ang namatay. Nasa 38 naman ang bilang ng patients under investigation (PUI) at 7,973 ang persons under monitoring (PUM).

(COURTESY KEROVINE CASTRO)