#ModernDayHero: Guwardiyang nag-seizure, iniligtas ng lalaking may tattoo

495
Courtesy Jonathan "Totie" Casimiro

Hindi lahat ng may tattoo, masamang tao.

Ito ang pinatunayan ng isang burdado matapos iligtas ang buhay ng isang guwardiya na biglang inatake ng seizure sa loob ng supermarket sa isang mall sa Quezon City nitong Miyerkoles ng gabi.

Kuwento ng tattoo artist at mambubutas na si Jonathan “Totie” Casimiro, nakita niyang nangingisay at bumubula ang bibig ng lalaki habang nakahiga sa sahig.

INNITY ADS

Naka-duty raw ang guwardiya at namimili siya ng pagkain nang mangyari ang insidente.

Pero sa dami daw ng nakasaksi ng insidente, tila wala umanong tumulong sa lalaki, dahilan para agad niya itong respondehan.




Sa ngayo’y viral na photo, makikitang nagsagawa siya ng CPR o cardiopulmonary resistance sa naghihingalong security guard.

 

Ayon sa good samaritan, natutunan niya raw ang pagbibigay ng paunang lunas sa dinaluhang safety seminar na inorganisa ng Department of Health (DOH) at Philippine Tattoo Guild (Philtag) para sa mga katulad niyang body piercer at tattoo artist.

Kailangan rin umano sumailalim sa naturang training ng mga kasapi ng Philtag para makapag-tattoo.

Labis ang pasasalamat ng guwardya kay Totie na itinuturing niyang anghel at bayani.

Bumuhos naman ng papuri at paghanga mula sa netizens ang karanasang ibinahagi ng tattoo artist sa social media.