Mga anak ng mananahi at tricycle driver, sinuklian ng two-storey house ang magulang nila

4049

Nagbigay-inspirasyon sa netizens ang kuwento ng isang Electrical Engineer tungkol sa pagsasakripsyo ng kaniyang magulang para maitaguyod ang pag-aaral nilang magkakapatid.

Batay sa post ni Fatima Calara, mahirap ang takbo ng buhay nila noon dahil nakikipasada lamang ng tricycle ang padre de pamilya habang mananahi naman ang madre de pamilya.

Aniya, nakadepende sa sipag, tiyaga, at gawa ang mauuwing pera ng kanilang tatay at nanay.

INNITY ADS

Bunsod nito, pinilit ng magkakapatid na maging scholar at working student upang makatulong sa magulang at makaraos sa araw-araw.

Nagbunga ang pagsusumikap ng pamilya nang magkatapos silang apat sa kolehiyo at pumasa sa kani-kanilang board examination.




Kasalukuyang nagtratrabaho ang mga kapatid ni Fatima bilang Civil Engineer, Mathematics Teacher at Mechanical Engineer.

Dahil sa pagmamahal, maayos na pagpapalaki, at matinding pagpupursige ng haligi at ilaw ng tahanan, niregaluhan sila ng mga anak ng bagong two-storey house.

“Buong buhay po namin, nakatira lang kami sa isang maliit na apartment, ilang hakbang lang nasa kusina at banyo ka na. 😅 Natutulog kami sa sala. 😊 Eto po ay patunay na may Diyos. Nakikita nya ang lahat. Kailangan lang po nating manalig at sabayan ng tiwala, sipag at tyaga. Kaya po natin maabot ang lahat, kahit kapos, kahit mahirap. 😇😇😇,” bahagi ng nakatutuwang mensahe ni Fatima. 

Umani ng mahigit 100,000 reactions sa social media ang istorya ng pamilya Calata na ibinahagi ng Facebook group na PESO SENSE.

(IMAGES COURTESY OF FATIMA CALATA)