LOOK: Lalaking kulang ang pambayad sa Philheath fee, binayaran ng babaeng naka-pink

981

Kumurot sa puso ng maraming netizen ang tagpong nasaksihan ni Renz Julius Dela Cruz sa isang bayad center sa San Rafael, Bulacan noong Hunyo 30.

Kuwento ni Dela Cruz, habang nag-aayos siya ng kaniyang mga bayarin ay narinig nito ang usapan ng cashier at isang lalaking magbabayad ng Philheath contribution niya na kinilalang si Tatay Alex.

Ayon daw kay Tatay Alex, kulang ang dala niyang pambayad na halos P300 at due date na niya noong araw na ‘yon.

“Iyan na lang po lahat, galing pa po ako sa Sapang Putik, eh naglakad lang po ako papunta rito,” paliwanag ng lalaki pero hindi ito tinanggap ng kahera. 

Uuwi na raw sana si Tatay Alex nang lapitan at kausapin siya ng good samaritan na si Jasmine Collado. Maya-maya pa, bumalik ang dalawa sa counter at binayaran ni Collado ang PhilHealth contribution ng lalaki.




Labis na humanga si Dela Cruz sa pagmamalasakit na ipinaramdam ng babae kaya naman nagdesisyon siyang kuhanan ng litrato ang nakaaantig na eksena.

“Natuwa po ako kay ate. Napakabait niya. Nakaka-antig ng puso. Hindi ko akalain na kung sino pa ‘yung sa tingin mong sapat lang din ‘yung kinikita ay sila pa ‘yung may malaking puso para tumulong sa kapwa,” saad ng uploader.

Sa loob lamang ng isang linggo ay umabot ng 366,000 likes at 76,000 shares sa Facebook ang nakatutuwang post.

First time ko mag post ng ganito. Pasikatin natin si ate na naka pink. Nag babayad kasi si manong (Naka Green) ng…

Posted by Renz Dela Cruz on Tuesday, June 30, 2020