Lolo na may filariasis, namamasada ng tricycle para may pampagamot sa sakit

13377
Courtesy Eliejah Judynne Mernilo

Kahit may matinding karamdaman, tuloy pa din sa pamamasada ng tricycle ang isang lolo sa Butuan City para may pampagamot at pantustos sa pamilya.

Ibinahagi ng netizen na si Eliejah Judynne Mernilo sa social media ang kondisyon ng matandang lalaki at para makahingi na din ng tulong sa publiko.

Kuwento ng uploader, may sakit na filarisis si Tatay Antonio Riveral at kailangan sumailalim sa operasyon sa lalong madaling panahon.

INNITY ADS

 

Ayon sa Department of Health (DOH), naipapasa ang filariasis o mas kilala sa tawag na “elephantiasis” sa pamamagitan ng kagat ng lamok na may taglay na parasitic worms. Pinupuntirya ng naturang parasitiko ang lymphatic system ng isang tao.

Ilan sa mga sintomas nito ay matinding pamamaga ng paa, binti, ari, at braso; lagnat at ubo; at malalang panginginig ng katawan.




Sa mga kuhang video at retrato ni Mernilo, agaw-pansin ang mala-higanteng laki ng binti ni Tatay Antonio.

“Humihingi po siya ng tulong may filariasis po siya at kailangan ng ma-operahan kaso wala daw silang pera kaya nagsusumikap siyang mamasada kahit masakit na paa niya. Please po tulungan natin siya,” bahagi ng post ng netizen.

Nakatira raw ang matandang lalaki sa P-16 Sampaloc, Barangay San Vicente sa nasabing siyudad.

Hindi naman nagdalawang-isip ang social media users sa pagbibigay ng tulong-pinansyal sa lolong nagsusumikap sa buhay.

 

Tiniyak ng dalagita na makakarating kay Tatay Antonio ang mga donasyon ng netizens.

Umani ng mahigit 30,000 retweets at libu-libong reaksyon ang nakalulungkot na kalagayan ni lolo.