Japanese YouTuber, bumuo ng smart bulb na iilaw tuwing may mga magkasintahang maghihiwalay

162
ch.togetter.com

Dahil single at malungkot sa nagdaang Pasko, niregaluhan ng isang Japanese YouTuber ang kanyang sarili ng imbensyong papawi sa kanyang lumbay — ang “break up light.”

Bumuo si Marina Fujiwara ng smart LED bulb system na iilaw tuwing may mga post sa Twitter na tungkol sa hiwalayan.

Nag-viral ang video na ibinahagi ni Fujiwara sa Twitter noong Disyembre 16, kung saan ipinakita niya kanyang imbensyon.

INNITY ADS

Sa kanyang website, ipinaliwanag ng Haponesa na naka-program sa gadget ang pag-detect ng mga salitang “I broke up” sa nasabing social media platform.

Kaya naman tuwing may mga gagamit ng naturang parirala, awtomatikong iilaw ang Philips Hue smart bulb — senyales na may isa na namang malungkot na tao sa mundo.




Binanggit din ni Fujiwara, ayon sa ulat ng AsiaOne, na sadyang ayaw niya sa Pasko at hindi niya kinakaya ang mga nakikitang magkasintahang naglalambingan sa pampublikong lugar.

Ikinatuwa ng marami ang imbensyon ni Fujiwara at ang iba naman ay naka-relate umano sa kalungkutan tuwing Kapaskuhan.

Marami ring Japanese netizens ang naintriga at gustong masubukan ang “break up light.”