‘Instant sari-sari store’ ng Taal evacuee, mabenta online

300

Viral ngayon sa social media ang post ng isang bakwit sa Batangas na animo’y nagkaroon ng tindaha dahil sa dami ng relief goods na nakuha noong kasagsagan ng pagsabog ng bulkang Taal.

Sa Facebook post ni Christian Finn De Villa, kita na punong-puno ng delata ang isang istante na aniya galing sa mga donasyon.

Maliban sa corned beef at sardinas, nakatanggap rin ang binatilyo ng dalawang sakong bigas, biskwit, noodles, at mga mineral water.

INNITY ADS

Kaya naman biro ni De Villa, puwede na siyang magtayo ng sari-sari store bunsod ng mga biyayang ipinagkaloob sa kanila.

Ang naturang larawan, umani ng mahigit 13,000 likes at 9,200 shares online na inupload niya noong Linggo.




Kuwento ng uploader, napagkatuwaan lamang nila na kuhanan ito at hindi akalaing papatok sa netizens. Pero paglilinaw niya, not for sale ang mga relief goods.

Aniya, gusto lamang nila maging masaya sa gitna ng krisis na kinaharap sa mga nagdaang linggo.

Bagaman mahirap daw maging evacuee, labis ang pasasalamat ng mga kagaya niya sa mga kababayang dumadayo sa lugar nila para maghatid ng tulong.

(IMAGES COURTESY OF CHRISTIAN FINN DE VILLA)