Imbis na maghanda sa birthday ng anak: Mag-asawa namahagi ng pagkain sa apektado ng quarantine

18023

Malaki o simple man ang pamamaraan, nakuha pa rin ng ilang Pinoy na tumulong sa kapwa sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Viral ngayon sa social media ang pagmamagandang-loob ng mag-asawang Mark Anthony, nagtratrabaho ngayon bilang factory worker sa South Korea, at Janisa Kiram Dayag na kasalukuyang nasa Cotabato City.

Sa halip kasi na maghanda para sa kaarawan ng bunsong anak, pinili ng dalawa na bumili ng pagkain na ipamimigay sa mga kapitbahay at mga naka-duty sa barangay nitong Marso 20.

Hnd kmi mayaman pero gusto nmin tumulong😊😊Instead na mag birthday ang anak nming bunso binili nlng nmin ng ipapamigay…

Posted by Mark Anthony Dayag on Thursday, March 19, 2020

Kuwento ni Mark Anthony, nagdesisyon silang maghatid ng tulong sa nakararami matapos makita ang samu’t-saring panawagan sa social media.

“Ang sarap sa feeling ang makatulong kahit sa maliit na bagay lamang 😊😊pinost to para hindi magyabang at magpasikat kundi para maka inspire at gayahin,” pahayag ni Mark Anthony.

Sa tulong ng kanilang mga kaanak, naging matagumpay ang pamamahagi ng relief goods sa mga apektadong residente.

Umani ng mahigit 25,000 shares at 28,000 likes sa Facebook ang naturang post ng good samaritan.

(COURTESY OF MARK ANTHONY DAYAG)