‘Home quarantine store’, pakulo ng isang ina para maging productive ang mga anak

1780

Pinusuan online ang diskarte ng isang nanay mula Sto. Tomas, Davao del Norte para maging productive ang kaniyang mga anak habang umiiral ang lockdown sa buong lalawigan.

Sa kuhang litrato ni Hyacinth Clor de Arta, makikita ang munting sari-sari store sa loob ng kanilang tirahan na may nakatutuwang kondisyon.

Dito, puwedeng bumili ng snacks o biskwit ang mga chikiting gamit ang kanilang play money. Pero bago makuha ang “pera”, kailangan muna nilang gumawa ng gawaing bahay.

Ilan sa maaring gawin ng mga supling ay magwalis ng kusina o sala, maghugas ng pinggan, o magbantay ng bunsong kapatid.

How we make them productive amid the lockdown. Mama’s Home Quarantine Store is now open for my kiddos. 😂😂 Note: Play…

Posted by Hycinth Clor de Arta on Sunday, March 22, 2020

 

Ipinapatupad din ng madre de pamilya sa bahay ang mga protocol na ipinatupad laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) katulad ng paggamit ng hand sanitizer, social distancing habang nakapila, at “no mask, no transaction” policy.

Kuwento ni Mommy Hyacinth, natuwa ang mga supling sa “home quarantine store” at mas naging excited pa sa household chores.

Umani ng mahigit 200,000 reactions sa social media ang naturang post.

Isinailalim na rin sa community quarantine ang buong Davao region upang maiwasan ang lumalalang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.