Flashmob for a cause: Fans ni Sarah Geronimo, naglunsad ng programa para sa mga biktima ng Taal eruption

156
(Sarah Geronimo Instagram/ Popster Official Facebook)

Magsisimula na ngayong darating na Enero 18, ang programa ng fans club ng singer-actress Sarah Geronimo para tulungan ang mga apektado ng pagsabog ng bulkang Taal.

Sa Facebook post ng Popster official nitong Enero 14, Martes, inanunsyo ng grupo ang kanilang programang “Tala para sa Taal”, isang dance flashmob for a cause na gaganapin sa Rizal Park, Manila sa Sabado ng ala-1:00 ng hapon.

Nag-viral ang naturang post at agad na dinagsa ng mga netizens na nagpakita ng interes sa pagsali sa Tala dance.

INNITY ADS

Magkakaroon ng registration fee na P100 ang mga dadalo at makikilahok sa sayaw ayon sa organizer na siyang nagpapatakbo rin ng grupo na si Barrie Juanico.

Ayon sa kanya, ang perang malilikom mula sa nasabing programa ay ihahandog sa Philippine Red Cross para makatulong sa ating mga kababayang nasalanta ng pagsabog.




Sa ngayon ay mayroon ng 300 kalahok ang nasabing pasayaw.

Nito lamang Linggo nang magsimulang mag-alboroto ang bulkang Taal na nagtulak sa nasa 39,000 residente mula karatig bayan ng bulkan na lumikas.

Inanusyo ring under state of calamity ang probinsya ng Batangas na pinaka-apektado ng pagsabog.

Sa ngayon ay patuloy pa ring tinututukan ang kalagayan ng Taal para sa kaligtasan ng ating mga kababayan.

Sa kabilang banda, maaalalang nito lamang mga nakaraang buwan ng muling sumikat ang orihinal na kantang ‘Tala’ ni Sarah Geronimo na una niyang inilabasa noong 2016.