Estudyante, ginamit ang scholarship allowance sa pagtulong sa mga kapitbahay sa gitna ng ECQ

1144
Facebook photo of Yolanda Oribiana Varceles

Nilaan ng isang first-year college student ang parte ng kanyang scholarship allowance sa pagtulong sa mga kapitbahay na hindi pa nahatiran ng relief goods sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ipinagmalaki ng nanay na si Yolanda Oribiana Varceles sa social media ang pagiging bukas-palad ng anak niyang mula sa Taguig City University.

Sa post ng ina sa Facebook nitong Abril 26, sinabi niyang maging siya ay nabigla sa desisyon ng anak na mamigay ng bigas sa mga nangangailangang kapitbahay.

INNITY ADS

“Napag-isip ako at natuwa dahil sa natanggap niyang [scholarship] kay mayor na 5,000 e, 1,500 lang ang hawak niya at sa akin napunta ang iba. Naisip pala niya ang ibang tao na naghihirap sa panahon ng COVID-19,” sabi ni Varceles.

Nasa 25 kilogram ng bigas ang binili ng estudyante na hinati-hinati nila sa tig-iisang kilo kada pamilya.




“Nakita ko ang saya sa mukha ng anak ko. Sa isip-isip ko ‘hindi siguro siya kuntento kung ‘di niya mai-share sa ibang tao ang blessing na kanyang natanggap’” saad ng nanay.

Bilang isang ina aniya, masarap sa pakiramdam ang magkaroon ng anak na mabait at marunong makipag-kapwa.

“Siguro kung may trabaho siya at may malaking suweldo, hindi lang ito ang maibibigay niya,” sabi pa ni Varceles.

Bumuhos ang papuri sa estudyante sa post na 13,000 beses nang nai-share sa ngayon.