76-anyos na tinderang bulag sa Divisoria, muling nakapiling ang pamilya

471

Tinulungan ng lokal na pamahalaan ang isang 76-taong-gulang na babaeng bulag na patuloy na naglalako sa Divisoria, Maynila makaraang mag-viral sa social media ang kalunos-lunos niyang sitwasyon.

Inihatid mismo ni Brgy. Kagawad Jeric John Deang si Elena San Sebastian sa tanggapan ng Manila Department of Social Welfare para pansamantalang maalagaan.

Napag-alamang matagal nang hinahanap si Lola Elena ng kaniyang pamilya na naninirahan sa Libmanan, Camarines Sur.

INNITY ADS

Kaagad lumawas sa Maynila ang mga kaanak para muling makapiling ang nawawalang mahal sa buhay.

Sa naging pagkikita, hindi napigilan ng mga kaanak na maging emosyonal habang niyayakap si Lola Elena.




Noong nakaraang linggo, ibinahagi ng netizen na si Rhojanna Ronha Dizon ang litrato ng kaawa-awang matanda na nagbebenta ng sili at gulay sa gilid ng bangketa.

Bagaman hindi mahilig sa maanghang, sinabi ng netizen na araw-araw siyang bumibili kay Lola Elena nang madiskubreng isa pala itong PWD.

“Kinakapa niya ‘yung plastic ng paglalagyan ng binili ko. Nung iabot ko ‘yung bayad ko na P20.00, sabi niya, ‘Ne, magkano itong bigay mo? May sukli pa ba ito,” mensahe ni Dizon.

Umabot sa mahigit 30,000 reactions sa Facebook ang naturang post.

(PHOTOS COURTESY OF RHOJANNA RONHA DIZON and MANILA DEPARTMENT OF SOCIAL WELFARE)