Vice Ganda, umapela na magkaroon ng sariling CR ang LGBTQ+ community

430
Vice Ganda/Instagram

Nanawaganan sa gobyerno ang host-comedian na si Vice Ganda na magkaroon ng pampublikong palikuran para sa mga miyembro ng LGBTQ+ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer) community.

Sa episode ng It’s Showtime nitong Biyernes, Agosto 16, nagsalita ang host hinggil sa isyu ng pamamahiya sa transgender woman na si Gretchen Diez nang pumasok ito sa female comfort room sa isang mall sa Quezon City.

Aminado si Vice na noong una ay taliwas siya sa ideya ng pagkakaroon ng hiwalay na CR — hanggang sa nangyari ang naturang insidente.

INNITY ADS

“For as long as marunong tayo rumespeto ng kapwa, hindi magiging issue kung saan tayo papasok. Pero since issue siya, parang nag-iisip ako parang dapat may CR na ang mga LGBT,” aniya.

Base na rin sa karanasan, napagtanto ng host na maging ang mga transgender ay hindi komportable sa paggamit ng cr na pambabae o panlalaki.




“Pag pumasok kami sa CR ng lalaki, ‘yung mga lalaki, hindi komportable. At pag hindi komportable ‘yung lalaki, hindi rin kami komportable. So hindi na lang kami mag-si-CR, o kaya, ‘yung lalaki, hindi na lang papasok dahil may bakla o transgender doon sa CR nila,” ayon kay Vice, at maging sa pambabaeng CR din daw.

“Kaming LGBT, hindi kami komportable na hindi sila komportable, so isa sa amin mag-a-adjust, hindi na lang papasok. Kung hindi komportable ang isa’t-isa, huwag natin ipilit,” dagdag niya.

Giit ni Vice, huwag nang ipilit kung hindi komportable ang marami at gumawa na lamang ng “safe space” para sa lahat.

“Nananawagan ako sa gobyerno, create a safe place for everyone. Kung hindi kami matatanggap, bigyan kami ng CR. Gusto lang po naming umihi at dumumi. ‘Yun lang yun,” apela ng host.

Mayroon nang gender neutral restroom sa ilang lungsod at pribadong establisyimento, ngunit hindi pa ito naipatutupad sa buong bansa.

Hindi naipasa ang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression o SOGIE Equality bill sa nakaraang Kongreso.