Vic Sotto, pabirong nireto ang anak na si Vico kay Mayor Donya Tesoro

720
Instagram/@mayordonyatesoro, @vicosotto

Tila aprub kay Vic Sotto ang pagpapares ng netizens sa anak niyang si Vico Sotto at sa isa ring millennial mayor ng San Manuel, Tarlac.

Na-guest si Mayor Donya Tesoro sa “Bawal Judgmental” segment ng “Eat Bulaga” nitong Sabado kung saan naitanong nina Paolo Ballesteros at Jose Manalo ang tungkol sa kanyang lovelife.

Ibinunyag ng 29-anyos na alkalde na wala pa siyang boyfriend, dahilan para tanungin naman ng dalawang host ang tipo niya sa lalaki.

Sinabi ni Donya na hindi siya partikular sa itsura, basta aniya hindi babaero at naiintindihan ang kanyang trabaho.




“Kailangang mayor din yung mapapangasawa mo para magkaintindihan kayo,” hirit ni Jose na sinundan naman ni Paolo ng, “Oo, para may mutual understanding.”

Hanggang dinala na ni Jose ang usapan sa paboritong pagkain ng mayor, o kung gusto nito ng kakanin na iniuugnay sa pangalan ng Pasig City mayor.

Sa pagkakataong ito, sumingit na si Bossing na nagsabing, “Diretsuhin niyo na kaya,” saka nagtanong kung may nanliligaw na ba sa mayor.

“Parang wala. Parang ayaw naman nila sa akin,” sagot ni Donya.

Dito na humugot ng cellphone si Vic na nagkunwaring tumawag sa anak na si Vico at nagbirong, “Hello Vico! Hello? Diniretso ko na.”

Nito lang Abril nang maging usap-usapan sa social media ang “artistahing” mayor dahil sa magandang pamamalakad nito sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ilang netizens noon ang nagsabing bagay si Donya at Vico na kapwa nagpahayag na hindi nila prayoridad ngayon ang lovelife.