TINGNAN: 75-anyos na ginang, nanganak sa kauna-unahang pagkakataon

873

Nagsilang ng sanggol na babae ang isang 75-anyos na ginang sa pamamagitan ng In Vitro Fertilization (IVF) sa Kinker Hospital sa Rajasthan, India.

Sabi ng mga doktor, pinanganak na premature ang bata na nasa 30 weeks lang at may bigat na 1lb 8oz sa isang ceasarean section.

Pansamantalang inilagay ang sanggol sa ventilator pagkalabas na pagkalabas ng sinapupunan ngunit agad ding naging stable at nakakarekober ang bata.

INNITY ADS

Ayon kay Dr. Abhilasha Kinker, gynaecologist at obstetrician na nagpaanak kay Prabha Devi, apat hanggang limang beses na pabalik-balik ang ginang sa kanilang ospital bago ang naturang panganganak.

“We conducted Doppler sonography and found there were complications in her pregnancy so we decided to deliver the child through Cesarean section,” aniya.




Ikinagulat raw niya na kinaya ni Prabha ang pagdadalantao sa loob ng anim na buwan dahil matanda na umano ito at delikado na para sa kanya at sa dinadala niya.

Dagdag pa ng doktor, kung hindi raw naipanganak agad ang sanggol, maaari itong mamatay habang nasa sinapupunan pa lamang.

Samantala, napag-alaman namang hindi rin sigurado si Prabha sa kanyang edad basta tinatayang nasa pagitan ng 72-75 anyos ang matanda habang ang kanyang asawa ay 80-anyos na.

Marahil ito raw ay dahil sa katandaan at naiulat rin na nag-collapse na ang isa sa mga baga nito kaya naging mahirap ang operasyon.

Naiulat rin na may ampon ang mag-asawa ngunit nais pa rin daw nilang magkaroon ng tunay na anak.

Patuloy naman ang pagmo-monitor sa kondisyon ng sanggol na kasalukuyang nasa ospital pa.

“She is at neonatal intensive care unit. We are monitoring her. The mother cannot feed her unless she gains weight,” saad ni Dr. Abhilasha.

Kinakailangan umanong maging 3.3lbs ang bata bago ito payagang umalis ng ospital.

Matatandaang nakaraang buwan lamang nang naiulat na nanganak ng kambal ang isang 73-anyos na ginang sa kaparehong bansa na naghintay ng 57-taon bago magkaroon ng pamilya.