TINGNAN: 14-anyos babae sa Indonesia, nag-aalaga ng 6 naglalakihang mga python

17262
IG/@chalwa17

‘Di tulad ng ordinaryong tao na mapapatakbo sa presensya ng ahas, isang 14-anyos na babae sa Indonesia ang ginawa pang alaga ang ‘di lang isa — kundi anim na naglalakihang mga python.

Agaw-pansin sa social media ang dalagitang si Chalwa Ismah Kamal, na walang kakaba-kabang naglalambing sa mga alaga niyang ahas.

Napapanganga at nag-aalala na lang ang netizens na nakakapanood ng mga Instagram at TikTok video ni Kamal kasama ang mga hayop.

INNITY ADS

Sa panayam ng Indonesian website na Lampung77, sinabi ng dalagita na kasa-kasama niya na sa bahay ang anim na python simula noong 4-anyos pa lamang siya.

Tiniyak niya rin na walang dapat ikabahala ang netizens dahil maamo at hindi raw nakalalason ang kanyang alaga, taliwas sa akala ng marami.




Bukod kay Kamal, makikita rin sa ilang video ang kapatid niyang tila komportable at wala ring takot sa mga higanteng kasama sa bahay.

Halos noong nakaraang buwan lang nang simulan ni Kamal ang pagbabalandra ng mga alagang python sa kanyang Instagram na mayroon na ngayong higit 8,000 followers.