Singsing na naitapon ng mister dala ng galit kay misis, nahanap ng aso

653
German shepherd

Tila nakasalba ng pagsasama ang isang aso matapos makatulong sa paghahanap ng wedding ring na itinapon ng isang lalaki nang makatampuhan ang asawa.

Namataan ng pulis na si Carl Woodall kasama ang aso niyang si Odin ang hindi pinangalanang lalaki na kahina-hinala raw ang kinikilos sa daan sa Harbourne, England noong Enero 25.

Ayon sa Facebook post ng West Midlands Police, may dala-dalang pailaw ang lalaki habang sinisiyasat ang daan katulong ang kanyang kaibigan, bandang alas-2 ng madaling araw.

INNITY ADS

Nang tanungin, sinabi ng mister na hinahanap niya ang wedding ring na naitapon niya dahil sa panandaliang init ng ulo.

Mabilis naman daw niya itong pinagsisihan at desperadong hanapin muli ang singsing.




Kasunod ng usapan, pinatulong na ni officer Woodall ang German shepherd sa paghahanap, kahit na aniya duda siyang matutukoy ni Odin ang amoy dahil sa liit ng singsing.

“But he proved me wrong and indicated by the ring in a matter of seconds,” saad ng pulis.

Labis naman ang pagpapasalamat ng mister na matindi ang hiya sa nangyari.

“Odin got a pat and thanks all round. It’s nice to be nice and I was back on patrol in less than five minutes,” kuwento pa ni Woodall.

Si Odin ay 6-taon gulang na aso mula sa breeding and training program ng ahensya, habang si Woodall naman ay 20 taon nang dog handler.