Pusa, naibalik sa amo makalipas ang 5 taon mula nang mawala

300
Photo of Sasha from Santa Fe Animal Services

Ayaw pang maniwala noong una ng isang lalaki sa Oregon, US, nang mabalitaang natagpuan ang alaga niyang pusa na limang taon nang nawawala.

Muling nagkasama si Viktor Usov at alagang si Sasha nitong Martes matapos mamataan ang pusa sa kalsada na 1,200 milya (1,900 km) mula sa kanilang bahay sa Portland.

Nakita ng Santa Fe Animal Services ang 6-taon-gulang na itim na pusa na pagala-gala at walang collar kaya dinala ito sa kanilang animal shelter.

INNITY ADS

Dahil mayroong nakakabit na microchip, napag-alamang si Usov ang may-ari nito na libong milya ang layo mula sa lugar.

Kinailangan pang kumbinsihin noong una si Usov, ngunit naniwala rin naman nang isalarawan ng staff ang itsura ng pusa.




Kasalukuyang pumapasok sa medical school ang amo na nagsabing hindi niya matukoy kung kailan niya kayang sunduin si Sasha–hanggang sa nakarating sa isang airline ang kuwento ng dalawa.

Inalok ng American Airlines ng libreng sakay ang pusa at public relations officer ng Santa Fe shelter para maihatid ito sa Oregon.

Hindi naman malinaw kung paano nakaabot sa Santa Fe ang pusa, pero hinala ni Usov, nakisakay ito sa kung sinuman.

“I guess I want to think he was on a great American adventure,” ani Usov sa BBC.