Pusa na nakatulong sa pagsagip sa isang matandang nahulog sa kanal, pinarangalan ng pulisya

136
Koko the cat. Photo courtesy: KYODO/japantimes.co

Kinilala ng pulisya ang malaking tulong na naibigay ng isang pusa sa pagliligtas ng matandang lalaki na nahulog sa kanal sa Toyama, Japan.

Namataan ng isang 77-anyos babae ang pusang si Koko na ‘di mapakali habang nakatingin sa daluyan ng tubig noong Hunyo 16, ayon sa Kyodo News.

Nang silipin, nadiskubre ng babae na nakatitig ang pusa sa matandang lalaki na nakahiga sa kanal na may 40 cm. ang lalim at may tubig na nasa 15 cm. ang taas.

Agad tinawagan ng babae ang 48-anyos niyang anak na nakatira lang din sa lugar upang magpatulong sa pagsagip sa matanda.

Ilang sandali lang ay dumating din ang 45-anyos na amo ni Koko na si Tomoko Nitta, at dalawa niyang anak na edad 18 at 20, na pare-parehong tumulong.




Nagawang maiahon ng limang residente ang matanda na nagtamo lamang ng ilang gasgas.

Kasunod nito, ginawaran ng Toyama Minami Police Station ng certificate of commendation ang limang residente, habang si Koko ay nakatanggap naman ng cat food.

“I want to tell her well done, as (her discovery of the man) led to his rescue,” sabi ni Nitta habang karga ang alaga.

Sinabi naman ng hepe ng pulisya na si Satoshi Nakada na ang samahan ng magkakapitbahay, at ng pusa, ang nagligtas sa buhay ng lalaki.