Pulis sa India, nagsuot ng coronavirus helmet para paalalahanan ang mga residente na manatili sa bahay

322
Screenshot from video via New York Post

Naging malikhain ang isang pulis sa India sa pagpapaalala sa mga residente na sumunod sa ipinatutupad na lockdown kontra novel coronavirus.

Naisipan ni Police Inspector Rajesh Babu na magsuot ng sariling gawang coronavirus helmet habang pinapatigil ang mga motorista sa checkpoint, ayon sa CNN.

Isinunod sa microscopic image ng coronavirus ang naturang helmet na gawa ng local artist na si B. Gowtham, founder ng Art Kingdom, organisasyon sa Chennai.

INNITY ADS

Sinabi ni Gowtham sa news outlet na kaya niya ginawa ang headgear ay para pagmukhaing lumalapit sa mga tao ang coronavirus.

Napansin niya raw kasi na hindi sineseryoso ng ilan ang banta ng COVID-19 dahil hindi nila ito nakikita.




“People are not hygienic enough. We have government orders not to come out — but still, we’re seeing people roaming here and there without proper safety equipment, without masks,” aniya.

Suot ang helmet na nabuo gamit ang mga diaryo at tissue paper, hinaharang ni Babu ang mga residente para ipaalala ang importansya ng physical distancing at protective personal equipment.

Inuudyok din ng pulis ang mga tao na huwag nang lumabas kung walang mahalagang gagawin.

Lagi niyang sinasabi, bilang coronavirus, “If you come out, I will come in.”

Noong nakaraang Martes nang ianunsyo ni Prime Minister Narendra Modi ang pagpapatupad ng lockdown sa India na mayroon na ngayong 1,637 kaso ng COVID-19.