PANOORIN: Lalaki, nag-paragliding nang nakaupo sa sofa habang nanonood ng TV

136
YouTube/Hasan Kaval

Sa himpapawid na nanood ng TV ang isang paragliding instructor na nakaisip lumipad sakay ng sofa.

Ginawa ito ng 29-anyos na si Hasan Kaval sa Turkey noong nakaraang Huwebes, ayon sa Daily Mail.

Animo’y mini sala ang set-up na ginawa ni Kaval sa de gulong na metal frame na nilagyan niya ng leather sofa, flat-screen TV, lamp, at mayroon pang patungan ng paa.

Kinabit sa malaking parachute ang frame na pinagtulungang itulak ng mga kaibigan ni Kaval hanggang makalipad ito.

Ibinahagi naman ng instructor ang video ng naturang pakulo– na ayon sa kanya ay ilang taon na mula nang maisip niya– sa kanyang YouTube channel.




Bagamat makikitang walang suot si Kaval na safety strap sa sofa, hindi naman daw niya ito ikinabahahala.

“I wasn’t scared, my friends trusted me. It was fine,” paniguro niya.

Sa dulo ng video, ipinakita naman ang pagkakabit ng magkakaibigan sa sofa sa metal frame.