PANOORIN: Ilan sa mga kinagiliwang ‘Tala’ dance cover online

329
(Images from Facebook and Instagram)

Makalipas ang apat na taon ay muli nating narinig ang kanta ng Kapamilya singer-actress Sarah Geronimo na ‘Tala’ na ngayo’y hindi lang basta sikat na awit kundi mas pinagkakaguluhan dahil sa kakaiba nitong dance move.

Nito lamang nakaraan ay samu’t saring bersyon ang lumabas sa social media na tila nagpapagalingan sa pagsayaw ng Tala na tuluyan na ngang naging dance craze sa pagtatapos ng 2019.

Tunghayan natin ang ilan sa mga sumikat at kinagiliwang bersyon ng Tala dance craze mula sa mga nag-viral online kabilang na ang ilan sa mga sikat na aktor at aktres.

INNITY ADS

Naging trending online si PO Christian “Kris Chan” na isang pulis matapos niyang sayawin ang Tala na agad pumatok sa netizens.

Umabot sa mahigit 4M views ang kanyang pagsayaw at agad na umani ng samu’t saring reaksyon at papuri.




Para sa kanya, bago magtapos ang taon ay nais niya lamang maghatid ng pampagood-vibes sa mga netizens.

Umani ng 158K likes at 161K shares sa Facebook ang kanyang bersyon.

Para naman sa tatay na si Marc Angelo Vertucio, naging pampasaya niya sa 3 buwang-gulang na sanggol ang kanyang paghataw ng naturang sayaw.

Makikitang tila sumasabay din ang bata sa paggalaw habang pinanonood ang kanyang tatay.

Naging patok online ang kanyang pagsayaw na umani ng mahigit 3M views, 117K likes at 77K shares sa Facebook.

Hindi rin naman nagpahuli si Jollibee sa paghataw ng nauusong sayaw mula sa video na ibinahagi ni Joever Banquisio sa kanyang Facebook.

Matutunghayan na marami ang napapaindak at nasisiyahan habang todo-galaw si Jollibee na talaga nga namang hatid ay saya.

Umabot sa 17K likes at 14K shares ang naturang post sa Facebook na umani rin ng iba’t ibang komento.

Hinangaan din online ang isang Bone cancer patient na putol ang isang paa ngunit nakipagsabayan pa rin sa naturang dance challenge.

Hindi naging hadlang sa 9-anyos na si Bless ang kalagayan para makisayaw sa ‘Tala’ ni Sarah G.

Sa ini-upload na video ng kanyang ina na si Gem Tabudlong, kitang-kita ang galing at saya ni Bless habang sumasayaw.

Para sa kanyang ina, siya pa rin ang the best dancer na agad namang umani ng papuri mula sa mga netizens.

Umabot sa mahigit 500K views, 32K likes at 14K shares ang naturang post sa Facebook.

Para naman sa 57-anyos na si Nanay Teresita Embuscado, ‘age doesn’t matter’ para makipagsabayan sa paghataw ng dance challenge.

Kitang-kita ang malambot na katawan ng lola na animo’y teenager kung humataw.

Sa ibinahagi niyang video sa Facebook, umabot sa mahigit 1M views at libu-libong reaksyon mula sa mga netizens.

Samantala, hindi rin naman nagpahuli ang mga kilalang couple sa showbiz gaya ni Maine Mendoza at Arjo Atayde.

Pumatok online ang sayaw ng dalawa na ibinahagi ni Maine sa kanyang Twitter account at agad na umabot sa 1.9M views, 32K retweets online.

Kahit na ang Kpop group na Momoland ay nakipagsabayan sa pagsasayaw ng ‘Tala’.

Sa night show ni Vice Ganda na Gandang Gabi Vice (GGV), ipinakita ng grupo ang kanilang bersyon na ikanagalak ng mga audience.

Mahinhin ngunit makikita ang pagsasabay-sabay at galing sa pagsayaw ng naturang grupo.

Mapapanood din ang mala-beauty queen na indak ni Winwyn Marquez suot pa ang kanyang pang-gym.

Ibinahagi ng aktres ang kanyang video sa kanyang Instagram account noong Lunes na agad namang umani ng mga komento.