Nanloob, pinatumba ng 82-anyos babaeng bodybuilder na may-ari ng bahay

780
Photo via YouTube

Nakahanap ng katapat ang isang lalaki sa New York na nagtangkang manloob ng bahay matapos palagan ng may-ari na isa pa lang bodybuilder.

Hindi pinatawad ng 82-anyos na si Willie Murphy ang lalaking nagpupumilit pumasok sa kanyang bahay sa Rochester, nakaraang Huwebes, ayon sa ulat ng WHAM.

Kuwento ng senior citizen, 11 p.m na at patulog na sana siya nang kalabugin ng lalaki ang kanyang pinto habang nagsisisigaw ng “I’m sick, I’m sick.”

Bago pa man dumating ang tinawagan ni Murphy na pulis, nasira na ng manloloob ang pinto.

Agad binuhat ni Murphy ang kalapit na lamesang may mga bakal na paa at saka ito pinaghahampas sa lalaki.

Sabay na nawasak ang lamesa at pagtumba ng lalaki na dinaganan naman ng matanda at binuhusan ng shampoo sa mukha.

Bukod dito, kumuha rin siya ng walis at pinagtutusok ang lalaki.

Nang dumating ang mga pulis, sinugod na ang lalaki sa ospital habang naging instant celebrity naman si Murphy.

Araw-araw nag-eehersisyo si Murphy at kaya niya umanong magbuhat ng 225 pounds o 102 kilo.

“I’m alone and I’m old, but guess what? I’m tough,” aniya.