Libreng pechay, tulong ng isang pamilya sa CamSur sa gitna ng quarantine

803
Facebook/Nancy Imperial Furio

Pinili ng isang pamilya na ilaan ang panahon ng pananatili sa bahay sa pagtatanim ng pechay — hindi lang pansarili, kundi para rin sa mga kapitbahay.

Kasunod ng pagpapatupad ng community quarantine, umuwi ang pamilya Furio sa kanilang bahay sa Barangay Rongos, Libmanan sa Camarines Sur.

Ibinahagi ng nanay na si Nancy na isang buwan na rin nilang inaalagaan ang mga pechay sa kanilang bakuran na noong una pa lang ay plano na nilang ibigay nang libre.

INNITY ADS

Matagal nang nagtatanim ng sari-saring gulay ang pamilya Furio at ayon kay nanay Nancy, pagsasaka ng palay ang kanilang ikinabubuhay.

Kaya naman naisipan nila na sa ganitong paraan ipakita na hindi kailangan maging mayaman upang makatulong sa kapwa sa panahon ng krisis.




Nitong Biyernes, Mayo 1, ibinahagi ni nanay Nancy sa Facebook na nakapag-ani na sila ng pechay na naipamahagi na rin sa ilang mga kapitbahay.

Isinabit ng pamilya ang mga ibinalot na bagong ani na gulay sa labas ng kanilang bahay at nilagyan ng karatulang “Free pechay”.

Bukod sa nakatulong, nagsilbi ring bonding ng pamilya Furio ang pagtatanim ngayong quarantine period.