Lalaking nanalo ng bilyones sa lotto, tuloy pa rin sa trabaho gaya ng ipinangako

770

Kaiba sa marami na nangangarap suwertehin sa lotto para iwanan ang trabaho at magpakasaya, kumakayod pa rin ang isang lalaki sa England na nakasungkit ng jackpot.

Nagpatuloy sa pagtatrabaho bilang karpintero si Steve Thomson na noong nakaraang buwan lamang ay nanalo ng £105 milyon (higit P7 bilyon) sa EuroMillions, pinakamalaking lottery sa Europe.

Tumupad sa kanyang pangako ang 42-anyos tatay na namataang balik sa paghahakot ng mga kahon, pag-pipresiyo, at pagmamaneho ng dati niya pang van kasama ang matalik na kaibigan at kasosyo.

INNITY ADS

Hanga naman ang mga residente ng Selsey, West Sussex kay Thomson na anila’y hindi aakalaing isa sa pinakamayaman sa buong Britain.

Si Steve at ang misis niyang si Lenka, 41, ang ika-siyam sa mga may pinakamalalaking napanalunan sa kasaysayan ng National Lottery.




PHOTO: PA

Hindi makapaniwala at halos walang masabi sa press conference ang mag-asawang nagdiwang din ng ika-25 anibersaryo noong nakaraang buwan.

Ayon sa mag-asawa, gusto nilang makabili ng bagong bahay na mayroong tig-iisang kuwarto para sa tatlo nilang mga anak.

Humiling naman ng Tesla ang bunso nilang anak na lalaki, habang pink na iPhone ang gusto ng anak na babae.

Samantala, bakasyon sa Pasko naman ang inaasam ni Lenka na labis din ang tuwa dahil mas abot-kaya na raw ang taunang pag-uwi niya sa kanyang pamilya sa Slovakia.

Siniguro naman ni Steve na magkakaroon ng magandang Pasko ang bawat isa at nangako ring tutulong sa kanilang lugar sa abot ng kanyang makakaya.